Hindi na ikinagulat ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pag-endorso ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte ng mga kandidato sa pagka-senador, na kung mananalo ay siyang boboto sa kanyang impeachment trial.
Kasunod ito ng pag-endorso ni Vice President Duterte sa dalawang kandidatong tumatakbo sa pagka-senador.
Ayon sa Kongresista, batid naman nilang malapit na ang impeachment trial, kaya natural lang na naghahanap ang pangalawang pangulo ng mga kakampi.
Ang pagbabago anyang ito sa istratehiya ay sumasalamin sa pagiging praktikal sa pulitika ng Bise Presidente.
Tinukoy ng mambabatas na kung noong una ay sinabi ni Duterte na hindi ito mag-eendorso ng kahit sinong tumatakbo sa Senado pero ngayon nagbago na ang ihip ng hangin.
Ipinunto ng House Leader na ang ganitong pagbabago ay mistulang pinagplanuhan, lalo’t nalalapit na ang impeachment trial sa mataas na kapulungan ng kongreso kung saan nakasalalay ang karera sa pulitika ng bise presidente.—ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)