Iminungkahi ng isang senador na paigtingin ang presensya ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga pangisdaan ng mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Ito, ayon kay Senator Imee Marcos, ang isa sa mga maaaring paraan upang mapawi ang agam-agam ng mga mamalakaya sa gitna ng sigalot territorial dispute sa West Philippine Sea, partikular sa exclusive economic zone ng bansa.
Dapat aniyang tiyakin ng gobyerno na may security escort ang mga mangingisda tuwing pumapalaot ang mga ito upang maiwasan ang pang-ha-harass.
Binigyang-diin ng presidential sister na kaawa-awa ang mga mangingisda dahil tuliro ang mga ito at hindi alam ang gagawin sa hanapbuhay ngayong dumarami ang mga barko ng China sa WPS.
Nilinaw naman ng mambabatas na kaya pa ring mahilot ng dayalogo ang anomang sigalot ng Pilipinas at Tsina sa pinagtatalunang karagatan.