Tuluy-tuloy ang pangha-harass ng Chinese authorities sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ayon ito kay dating Congressman at National Security Adviser Roilo Golez matapos ibunyag ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang anito’y panibagong insidente ng harassment na ginawa ng Chinese authorities laban sa Pinoy fishermen.
“Matagal nang balita yan, tuluy-tuloy yan wala namang tigil sa pag-harass sa mga tao natin doon, andun pa rin sila sa may Ayungin, nakapaligid pa rin sila, inaabangan pa rin nila ang suplay natin, sa Scarborough Shoal andun pa rin sila bagamat merong peaceful talks diyan, yung Recto Bank, 2000 square kilometers, hindi pa rin tayo pinapayagang mag-explore bagamat ang mga lugar na yan ay nasa exclusive economic zone natin, kung may balita man na merong hina-harass hindi na bago yan.” Ani Golez.
Sinabi ni Golez na hindi binabago ng China ang claim nito na sila ang may-ari ng 90 porsyento ng West Philippine Sea sa kabila ng naging pahayag ni Pangulong Duterte na malaya na ang mga mangingisdang Pinoy na makapangisda sa nasabing teritoryo at nang gumagandang ugnayan sa ekonomiya ng dalawang bansa.
Samantala, hindi naman kumbinsido si Golez sa naging pahayag ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na naging probokasyon ng umiinit na maritime dispute ng Pilipinas at China ang inihaing reklamo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
“Kung titignan ninyo massive ang reclamation na yan ng China, mahirap paniwalaan na sa loob lamang ng mahigit 1 taon ay naplano nila lahat ng yan at yan ay dulot lamang ng pag-file ng kaso, sa aking paniniwala may master plan talaga diyan ang China na okupahan, palakihin, at kasama na diyan ang Scarborough Shoal. Naniniwala ako na minadali nila, ina-accelerate nila yung master plan para maunahan nila yung inaasahan nila na matatalo sila sa Arbitral Tribunal.” Dagdag ni Golez
Muling binigyang diin ni Golez na habang tuloy ang diplomatic at economic engagement ng Pinas sa China ay huwag din sanang kalimutan na ipaglaban ang ating karapatan partikular sa teritoryo.
“Balance dapat, tuloy ang diplomatic at economic engagement natin with China para makinabang tayo, hindi naman puwedeng makipag-away tayo pero at the same time kailangan nating manindigan sa ating karapatan dahil kinilala na ito ng Arbitral Tribunal at parte na ng International Law, sa mata ng International Law, atin yung West Philippine Sea, yan ang hindi natin dapat i-set aside. Dapat tayo mismo ay manindigan at ipaglaban natin ito kasi kapag medyo tumahimik tayo lalo na ngayong ASEAN meeting, baka akalain nila hindi na tayo interesado.” Pahayag ni Golez
By Judith Larino | Aiza Rendon | Ratsada Balita (Interview)
Pag-harass sa mga mangingisdang Pinoy di naman natigil—Golez was last modified: April 21st, 2017 by DWIZ 882