Tinatayang nasa milyong deboto ang dumagsa sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila kasabay ng traslacion ng itim na Nazareno ngayong araw.
Isang misa ang pinangunahan ni Monsingor Hernando Coronel, Rector ng Basilika Minore ng Itim na Nazareno sa Quiapo kasama ang mga pari mula sa Archdiocese ng Maynila.
Sa kaniyang homily, binigyang diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na dapat magkaroon ng pagkakaisa sa gitna ng pagkakawatak-watak gayundin ang pag-ibig sa kapwa.
Bahagi ng pahayag ni Cardinal Luis Antonio Tagle
Muling binigyang diin ng Kardinal ang pagkakaroon ng pananagutan at pagdadamayan ng tao sa bawat isa tulad ng ipinakita ni Hesukristo nang magpabinyag siya kay San Juan Bautista sa ilog ng Jordan.
Bahagi ng pahayag ni Cardinal Luis Antonio Tagle
Samantala, ilang kilalang personalidad din ang dumalo sa isinagawang misa para sa Traslacion ng Itim na Nazareno mula kagabi hanggang kaninang madaling araw.
Kabilang sa mga nasilayan sina dating Pangulo ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada at ang maybahay nitong si dating First Lady Loi Ejercito, mga opisyal ng pamahalaang panlungsod.
Dumalo rin ang broadcaster at dati ring Vice President na si Noli de Castro na kilala ring deboto ng Itim na Nazareno.
Kasunod nito, nagpasalamat din si Msgr. Hernando Coronel, Rector ng Minor Basilica ng Nazareno sa Quiapo sa mga miyembro ng National Intelligence Coordinating Agency o NICA, Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
By Jaymark Dagala | Jopel Pelenio (Patrol 17)