Uubra nang makapag-avail ng calamity loan ang mga miyembro ng Pag-IBIG fund na naapektuhan ng lindol sa Southern Mindanao at matinding pagbaha sa Eastern Visayas.
Kasunod na rin ito, ayon kay Housing Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees Chairman Jose Rizalino Acuzar nang itinalagang calamity loan katuwang ang Local Government Units bilang tulong ng gobyerno sa mga biktima ng lindol at pagbaha sa Visayas at Mindanao.
Ipinabatid ni Secretary Acuzar na ang mga kuwalipikadong miyembro ay maaaring makahiram ng hanggang 80% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG savings sa mababang interest lamang na 5.95% kada taon at puwedeng bayaran ng hanggang tatlong taon na mayruon pang grace period.
Binigyang-diin naman ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta na nasa mahigit 2 billion pesos na calamity loan ang naipalabas ng ahensya sa halos 150,000 miyembro nito sa mga apektadong lugar nuong nakalipas na buwan.
Bukas naman ang lahat ng mga tanggapan ng Pag-IBIG sa pakikipag tulungan sa local governments para matutukan ang loan applications at insurance claims samantalang ide-deploy ang lingkod Pag-Ibig on Wheels na mobile branch ng ahensya gayundin ang virtual Pag-IBIG para sa online applications at matiyak ang accesibility sa mga miyembro sa panahon ng kalamidad.