Handang-handa na ang National Printing Office o NPO para sa pag-iimprenta ng mga gagamiting balota sa darating na halalang pampanguluhan sa Mayo 9.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na siya ring tagapangasiwa ng NPO, tiwala silang mai-imprenta ang mga balota sa takdang panahon.
Tulad na aniya noong 2013 midterm elections kung saan, tatlong linggong mas maagang naimprenta ang mga balota kaysa sa target na petsa.
Sa Pebrero 8 ani Coloma nakatakdang ibigay ng Commission on Elections o COMELEC sa NPO ang final job order para sa pag-iimprenta ng mga balota.
Paglilinaw din ng kalihim, walang epekto sa operasyon at pag-iimprenta ng balota ang nakasampang kaso sa ilang opisyal ng NPO sa Ombudsman dahil nakahapaghain na ng motion for reconsideration ang mga ito.
NPO
Pangangasiwaan pa rin ng mga nasibak na opisyal ng National Printing Office o NPO ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin para sa May 2016 elections.
Sa isang office order, itinalaga umano si NPO acting Director Emmanuel Andaya bilang Chairman ng “Ballots Printing Executive Committee.”
Matatandaang sinibak ng Ombudsman si Andaya kasama ang anim pang NPO officials matapos mapatunayang “guilty” sa kasong grave misconduct dahil sa anomalya sa printing ng travel clearance certificates ng National Bureau of Investigation na nagkakahalaga ng 1.9 na milyong piso noong Nov. 18, 2010.
Maliban kay Andaya, kabilang din sa mga dinismis ng Ombudsman sina Atty. Sylvia Banda, Josefina Samsom, Antonio Sillona, Bernadette Lagumen, at Ma. Gracia Enriquez.
Kaya umano nananatili pa rin sa puwesto ang mga naturang opisyal ay hindi pa naman pinal ang desisyon sa kaso at may nakabinbin pang motion for reconsideration hinggil dito.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23) | Jelbert Perdez