Ibinunyag ni dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na isang pribadong kumpaniya na umano ang may hawak sa pag-iimprenta ng mga pasaporte.
Ayon kay Yasay, isang joint venture umano ang pinasok ng APO Production Unit sa kumpaniyang United Graphic Expression Corp. o UGEC para mag-imprenta ng mga pasaporte matapos bumitaw na rito ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.
Sinabi ni Yasay na ini-ulat na niya ito kay Pangulong Rodrigo Duterte nang italaga siya bilang kalihim ng DFA at iginiit na tiyak na may iilang personalidad ang kumita sa nasabing kontrata.
Itinanggi naman ni APO Chairman at Acting CEO Michael Dalumpines ang akusasyon ni Yasay at iginiit na labas sa pinasok na joint venture ng APO at UGEC ang pag-iimprenta ng mga pasaporte.
Ang APO Production Unit ay ang opisyal na printing firm ng pamahalaan sa ilalim ng Presidential Communications and Operations Office o PCOO ng Palasyo ng Malacañang.
—-