Suspendido muna ng dalawang linggo ang pag-iisyu ng travel authority para sa mga locally stranded individuals (LSI)’s patungong Region 8 o Eastern Visayas.
Ayon ito kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar batay na rin sa direktiba ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kasunod ng kahilingan ng mga local chief executives sa Region 8.
Una nang nagreklamo ang local officials sa Eastern Visayas sa pagtaas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa kanilang mga lugar matapos dumating ang LSI’s.
Sinabi ni Año na pinaboran niya ang panukala ng local officials sa Region 8 na mag declog muna sa kanilang quarantine facilities bago tumanggap ng LSI’s kayat lahat ng pupunta sa Eastern Visayas ay iipunin muna bago ihatid ng barko.