Mahalagang matiyak na mayroong development master plan, waste water plan at solid waste management plan ang mga island resort sa bansa bago manghikayat ang Department of Tourism (DOT) ng mga turista.
Ito ang inihayag ni Senator Nancy Binay makaraang igiit na isusulong niya ang pag-imbentaryo sa lahat ng island resort upang matiyak na handa ang mga ito na tumanggap ng mga turista dayuhan man o lokal.
Ayon kay Binay, sa ganitong paraan ay maiiwasang matulad ang mga island at tourist destination sa kasalukuyang sitwasyon ng isla ng Boracay sa Aklan.
Mahalaga anya na magkaroon ng imbentaryo upang makita kung may mga pagkukulang at development master plan ang mga ito.
Isang resolusyon ang nakatakdang isumite ng Senador na magsusulong ng imbentaryo sa mga island resort sa bansa.
-Cely Ortega-Bueno