Tiwala ang Malakanyang na malilinis ni Special Assistant to the President Bong Go ang kanyang pangalan sa isyu ng ‘Frigates Deal’ ng Philippine Navy.
Ito ay sa harap ng plano ng Senado na imbestigahan ang umano’y pagkakasangkot ng opisyal sa procurement ng computer system ng Department of National Defense.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iginagalang ng Malacañang ang karapatan ng mataas na kapulungan ng Kongreso na mag-imbestiga dahil kabilang ito sa kanilang mandato , in aid of legislation.
Giit pa ni Roque , malalaman din sa Senate inquiry kung may nilabag sa batas ang kontratang pinasok ng Aquino Administration sa pagbili ng barko ng Philippine Navy.
Nauna nang inihayag ni Secretary Go na sakaling mapatunayang nanghimasok siya sa binabanggit ng kontrata ay handa siyang magbitiw sa kanyang tungkulin.