Isinusulong ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate sa Kongreso na imbestigahan ang aniya’y militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Zarate na dapat gamitin ng Kongreso ang international parliamentary networks para kundenahin ang nasabing hakbang ng China.
Ayon kay Zarate, maaaring gamitin ng Kamara ang Asian Parliamentary Association (AIPO) at Inter Parliamentary Union (IPU) bilang venue para makakuha ng suporta sa international community.
Tungkulin aniya ng buong Kongreso na busisiin ang report para mapatatag ang depensa ng bansa at mapangalagaan ang soberanya at territorial integrity ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Zarate ang pangangailangang himukin ng Pilipinas ang ibang bansa para makiisa sa pagkondena sa China dahil posibleng sila ang sumunod na ibully [bully] nito.