Ikinukunsidera na ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., ang pag-aangkat ng oil products at fertilizer mula sa Russia bilang solusyon kontra sa tumataas na presyo ng krudo.
Ito’y sa kabila ng ipinataw na sanctions ng Western Nations, sa pangunguna ng Amerika, kabilang ang ipinatutupad na oil embargo laban sa Russia.
Alinsunod sa ipinatutupad na polisiya ng Russian Government na resulta ng sanctions, maaaring bumili ng langis pero russian ruble ang ipambabayad sa halip na U.S. dollar.
Ayon kay Pangulong Marcos, labis na naka-apekto sa Pilipinas ang lumulobong presyo ng oil products kaya’t kailangang maghanap ng alternatibong pagkukunan ng supply.
Kinakausap na anya ng Pilipinas ang Russia upang hilinging luwagan ang ilang polisiya sa pagbili ng fuel supply gayundin ang iba pang posibleng supplier.
Sa issue naman kung kailan darating ang supply, aminado ang Pangulo na malapit nang maselyuhan ang ilang kasunduan subalit ang tiyak ay hindi lang sa isang bansa manggagaling ang bibilhing langis.
Samantala, nilinaw ni Press secretary Trixie Cruz-Angeles na wala pang pinal na kasunduan sa posibleng pagkuha ng Pilipinas ng oil supply sa Russia.