Muling nanawagan ang mga local onion producer sa gobyerno na itigil na ang pag-iimport ng mga sibuyas.
Iginiit ng Local Onion Growers for Economic and Trade Cooperative o LOGNET na pinapatay ng mga imported na sibuyas ang local onion production sa Pangasinan, Tarlac at Nueva Ecija.
Ayon kay LOGNET President Israel Reguyal, ang premature importation ang dahilan ng oversupply at pagbagsak ng presyo ng imported na sibuyas.
Nasa 100,000 bags anya ng sibuyas ang naka-imbak sa Nueva Ecija habang karagdagang 400,000 bags nasa cold storage facilities sa ibang lugar sa Luzon kabilang ang Metro Manila na sapat hanggang Disyembre.
Nagkakahalaga ng 27 hanggang 32 pesos kada kilo ang imported onion, kumpara sa 39 hanggang 40 pesos kada kilo ng local produced.
Ito anya ang dahilan ng pagkalugi ng mga onion grower sa Central Luzon kaya’t umaapela sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na solusyonan ang kanilang hinaing lalo’t ang pagtatanim ng sibuyas lamang ang kanilang kabuhayan.
By Drew Nacino