Ipagpapatuloy ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa December 5.
Pipirma na ang COMELEC at National Printing Office (NPO) sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pag-imprenta ng mga balota sa Biyernes, September 30.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, kailangan ng simulan ang ballot printing upang hindi kapusin sa panahon.
Sisimulan na rin ng poll body ang training ng mga guro na magsisilbing Board of Canvassers para sa nasabing halalan.
Magugunitang inaprubahan na kahapon sa ikatlo at huling pagbasa sa senado ang panukalang ipagpaliban ang Barangay at SK polls sa December 2022 at i-atras ito sa ikalawang Lunes ng December 2023.
Aabot umano sa 18.41 billion pesos ang matitipid ng pamahalaan kung maantala ang halalan.—mula sa panulat ni Jenn Patrolla