Tiwala ang COMELEC o Commission on Elections na masisimulan na sa susunod na linggo ang pag-imprenta ng mga balota para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Oktubre 23.
Ipinabatid ito ni COMELEC Spokesperson James Jimenez dahil wala pa aniyang batas na ipinapasa ang Kongreso na nagpapaliban sa nasabing halalan.
Sinabi ni Jimenez na patuloy ang printing ng election offices ng computerized voters list at inaasahang maipapakita ito sa mga botante sa kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lugar sa linggong ito.
Samantala, tuloy na rin ang public hearing na isasagawa sa Davao City sa Agosto 15 para malaman kung ipagpapaliban ang eleksyon sa Mindanao dahil sa umiiral na martial law sa rehiyon.
Ayon kay Jimenez, kung walang batas para maipagpaliban ang eleksyon sa buong bansa maaaring i-postpone ang halalan sa Mindanao lamang hanggang matapos ang batas militar sa Disyembre 31.