Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa lungsod hanggang Hulyo 13.
Bukod pa rito, pinalawig din ang pagpapatupad ng curfew na ipatutupad simula sa Mayo 31, kasabay ng pagpapalawig sa liquor ban.
Ito ay alinsunod sa Executive Order No. 30, series of 2021 na mandato ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang pag-iingat sa patuloy na banta ng COVID-19.
Nakasaad sa naturang Executive Order, ipinagbabawal pa rin ang pag-inom ng alak sa pampublikong mga lugar at magsisimula ang curfew simula alas-9 ng gabi hanggang ika-4 ng madaling araw.
Samantala, nilinaw naman sa kautusan na hindi sakop ng curfew ang mga may trabaho at negosyo.
Magugunitang, nasa 16,526 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Davao City at 1,191 rito ay ang bilang ng natitirang aktibong kaso.