Sinimulan na ng Highway Patrol Group (HPG) ang pag-isyu ng tiket sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
Ayon kay Chief Superintendent Arnold Gunnacao, hepe ng HPG, isa sa nakita nilang dahilan ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA ay ang hindi pagsunod ng mga motorista sa nakatakdang lane para sa kanilang sasakyan.
Binalaan ni Gunnacao ang mga pribadong motorista na madala lumilipat sa yellow lane na para lamang sa mga bus at ang mga bus na gumagamit naman ng lane para sa mga motorista.
“Maiibsan ang trapiko kung lahat susunod sa batas, ugali nating Pilipino na hangga’t hindi nahuhuli ay ginagawa natin ‘yun kaya kailangan mahuli sila. Huwag po silang magalit kapag humaba ang pila dahil marami ang nahuli, ang kailangan diyan ay i-implement ang disiplina sa mga kalye.” Ani Gunnacao.
Mabilis na proseso
Kasabay nito, hinikayat ni Gunnacao ang mga mahuhuling motorista na kunan ng larawan o video ang transaksyon nila miyembro ng HPG na mag-iisyu sa kanila ng tiket.
Layon nito na maging transparent ang transaksyon ay maiwasan ang mga alegasyon ng pangongotong sa panig ng HPG at panunuhol naman sa panig ng motorista.
Kukunan rin aniya ng larawan ang lumabag na sasakyan bilang ebidensya ng pagsuway sa batas trapiko.
Sinabi ni Gunnacao na sisikapin nilang maging mabilis ang proseso ng paghuli at pag-isyu ng tiket upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko
“Ang pagtitiket po ay meron tayong tinatawag na 30-second rule, basta po makipag-cooperate lang ang mga driver, kasalanan din po nila ‘yan, dapat sumunod sila sa batas para hindi sila mahuli, dapat kapag nahuli sila ibigay nila ang lisensya nila, pipicturan naman sila, and then go na sila, so nagkakamot pa sila nakikiusap pa lalo pa pong nakakadagdag ng trapiko, gusto ko nga po silang turuan ng leksyon na lalong nagca-cause ng traffic pag nag-violate sila para mare-realize nila na dapat hindi sila mag-violate ng batas trapiko.” Pahayag ni Gunnacao.
By Len Aguirre | Ratsada Balita