Iproprotesta ng Pilipinas ang flight test na ginawa ng China sa bahura na bahagi ng inaangking teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ni Assistant Secretary Charles Jose, spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA) kasunod ng protestang ginawa ng Vietnam laban sa flight test ng China dahil mayroon rin silang claim sa lugar kung saan isinagawa ang test flight.
Isinagawa ang flight test ng China sa bagong gawa nilang airstrip sa Fiery Cross Reef na tinatawag namang Kagitingan ng Pilipinas.
Una rito, binalewala lamang ng China ang protesta ng Vietnam at iginiit na sakop ng kanilang teritoryo ang Fiery Cross Reef.
Vietnam
Umalma rin ang bansang Vietnam sa ginawang paglapag ng eroplano ng China sa pinag-aagawang Kagitingan Reef na tinatawag nilang Da Chu Tap.
Ayon kay Le Hai Binh, tagapagsalita ng Vietnamese Foreign Ministry, iligal ang ginawang pagtatayo ng airtstrip ng China sa kanilang teritoryo sa Spratlys.
Bukod sa Pilipinas, nilabag din umanong China ang soberenya ng Vietnam maging ang kanilang mga kasunduan na lubhang nakaaapekto sa kanilang bilateral relations.
Sagot naman ng China, walang basehan ang akusasyon ng Vietnam dahil sa kanila ang nasabing teritoryo kaya’t hindi na nila ito papatulan.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang China na hindi maaapektuhan ang kanilang ugnayan sa Vietnam.
By Len Aguirre | Jaymark Dagala