Wala umanong legal na basehan para isapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng kaniyang mga medical exam o iba pang health records.
Ito ang iginiit ng Malacañang matapos na maghain ng petisyon ang isang abogado sa Korte Suprema na nag-o-obliga sa pangulo ng isiwalat ang kaniyang mga health record.
Ayon kay outgoing Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nakasaad sa Article VII, Section 12, ng 1987 Constitution na isasapubliko lamang ng pangulo ang lahat ng tungkol sa kaniyang kalusugan kung ito ay mayroong seryosong ng karamdaman.
Giit ni Panelo, sa ngayon ay walang pangangailangan na gawin ito ni Pangulong Duterte dahil wala naman aniya siyang seryosong sakit.
Una rito, hiniling ni Atty. Dino S. De Leon sa Korte Suprema na pilitin si Pangulong Duterte na ihayag ang pinakahuling resulta ng kaniyang mga medical examination.