Nagtataka ang PNP Internal Affairs Service kung bakit kailangang 2 unit pa ng pulisya ang mag-operate para ibigay ang search warrant kay Mayor Rolando Espinosa at Raul Yap na nakakulong sa loob ng Leyte sub-provincial jail.
Ayon kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Angelo Leuterio, hindi ito pangkaraniwan lalo na nang isama sa operasyon ang PNP Maritime Group na ang mandato ay mag patrolya at magpatupad ng batas sa dagat.
Giit ni Leuterio, sapat na ang 11 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group para magpatupad ng search warrant.
Hindi naman kinuwestyon ng PNP Internal Affairs Service ang pagbitbit ng search warrant ng mga nag-operate na pulis dahil wala, aniya, silang magagawa kung ito’y ipinag utos ng Korte.
Ayon pa kay Leuterio, bukod sa dami ng mga pulis na nagpatupad ng search warrant, isa pa sa iimbestigahan nila ay kung gumamit ng sobra-sobrang pwersa ang mga otoridad nang makaharap si Espinosa sa loob ng kulungan.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal