Mas malaki na ang pag-asang lumusot ang pag-override sa veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa SSS pension hike bill sa sandaling magbalik ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 20.
Inihayag ito ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares sa kabila ng kabiguang mapausad sa huling sesyon ng Kongreso kagabi ang kanyang mosyon na i-override ang veto ng Pangulo.
“Kung meron mang natira na nagdo-doubt kung boboto siya sa override lalakas ang loob niya sa May 20, Bakit? eh patapos na si President Aquino in a few weeks eh, so wala na siyang takot sa Malacañang, pangalawa hindi nila pwedeng i-adjourn, canvassing yun ng presidential elections, alangan kung i-adjourn nila yun just because of the motion to override eh di walang presidente ang Pilipinas, yun yung aking paniwala na lumakas pa lalo ang laban ng ating mga senior citizens lalo nang naramdaman namin kagabi na may boto pala sa override ng veto.” Ani Colmenares.
Kumbinsido si Colmenares na mayroong boto sa Kongreso ang mosyon nyang i-override ang veto ng Pangulong Noynoy Aquino sa SSS Pension Hike Bill.
Ayon kay Colmenares, posibleng natunugan ng liderato ng Kamara na lulusot ang motion to override kaya’t sinuspinde nito ng halos 3 oras ang sesyon at nang mag-resume ay agad ring isinara.
“Well hindi ko alam kung may pressure, ang sigurado ko ay napakaraming boto for override na hindi nila kayang papayagan ang motion, ako naman halimbawa nanalo ang motion to override eh di napahiya si President Aquino eh ganun talaga ang buhay, we fulfill our constitutional duty kung sino man ang napahiya, eh ganun talaga eh ba’t kung natalo kami eh di ganun din.” Pahayag ni Colmenares.
By Len Aguirre | Ratsada Balita