(By Jill Resontoc)
Posibleng kwestyunin ng Makabayan bloc sa Kamara ang pag-ratipika ng mga kongresista sa panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Ayon kay ACT Party-list Representative Antonio Tinio, posibleng iakyat niya sa Korte Suprema ang umano’y iligal na pag-ratify sa TRAIN.
Giit ni Tinio, niratipikahan ang TRAIN na wala na halos ang mga kongresista sa plenaryo.
Sinabi naman ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate na nasa 20 na lamang ang mga kongresista sa plenaryo nang walang kaabog-abog ay niratipikahan ang panukalang tax reform.
Anila, tahasan itong paglabag sa Rule 10 Section 63 kung saan nakasaad na raratipikahan ang isang panukala ng mayorya ng boto ng mga kongresista na nasa plenaryo, ibig sabihin dapat ay may quorum.
Ilan anila sa mga mambabatas ay dumalo sa mga Christmas party ng kani-kanilang partido kagabi habang niraratipikahan ang TRAIN na sinabing dagdag-pahirap sa publiko.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng Makabayan bloc ang petisyon para iakyat ito sa Korte Suprema.
—-