Nirerespeto ng Palasyo ang pag-re-realign sa 1.4 billion Pesos na dapat sana ay para sa war on drugs campaign ng Philippine National Police subalit inilaan sa pabahay ng mga sundalo’t pulis.
Ito ang tugon ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar matapos i-realign ng Senado ang naturang pondo para sa pabahay ng mga uniformed personnel ng pamahalaan.
Ayon kay Andanar, may kapangyarihan ang Senado na gawin ito na iginagalang naman ng executive bilang co-equal branch.
Ang mahalaga anya ay ginagawa ng P.N.P. ang kanilang tungkulin kaya’t nararapat lang din na mabigyan ng dagdag benepisyo ang mga ito.
Gayunman, naniniwala naman si Presidential Spokesman Harry Roque na hindi pa pinal ang desisyon ng Senado at daraan pa ito sa bicameral committee kaya’t may posibilidad pang maunawaan din ng mga Senador ang kailangang pondo para sa drug war campaign.