Tiniyak ni dating Department of Social Welfare and Development o DSWD Secretary Judy Taguiwalo na maayos niyang iiwan ang kaniyang tanggapan at kumpiyansa siyang maipagpapatuloy ang kaniyang mga nasimulan.
Ito ang inihayag ng dating kalihim makaraang ibasura ng makapangyarihang Commission on Appointments o CA ang nominasyon sa kaniyang ad interim appointment bilang kalihim.
Giit ni Taguiwalo, literal na magaan niyang lilisanin ang kanyang tanggapan sa DSWD dahil wala naman aniya siyang personal na kagamitang inilagay doon kaya’t hindi niya kailangang mag-empake ng marami.
Una nang isiniwalat ng dating kalihim na may kinalaman sa lihim na pork barrel fund insertions sa 2018 proposed national budget at ang kaniyang pagtutol sa tax reform bill ang siyang sanhi ng pagkakabasura ng kaniyang appointment.
By Jaymark Dagala