Inihirit ng isang neophyte congresswoman ang pag-repaso sa umiiral na polisiya at programa kontra sa tumataas na bilang ng kaso HIV-AIDS sa bansa.
Ito’y sa gitna ng preparasyon sa pagdiriwang ng World AIDS Day sa Martes.
Sa inihaing resolution 2526 ni Quezon Province 4th District Rep. Angelina Tan, inihayag nito na naka-aalarma na ang pagtaas ng bilang ng HIV-AIDS cases sa bansa.
Ayon kay Tan, mismong ang World Health Organization na ang na-alarma lalo’t tumaas ng 22 kada araw ngayong taon mula sa 17 noong 2014 ang nagkakasakit.
Base sa United Nations AIDS Program, mahigit 20,000 na ang bagong kaso ng HIV-AIDS sa Pilipinas kumpara noong 1984 hanggang sa mga unang taon ng ika-dalawampu’t isang siglo.
Dahil dito, nangangamba si Tan maging ang UN na hindi maabot ng Pilipinas ang millennium development goals na puksain ang mga nakamamatay na sakit.
By: Drew Nacino