Hinimok ng isang agricultural group ang Kongreso na i-repeal na Republic Act 8172 o Act for Salt Iodization Nationwide na mas kilala bilang asin law upang buhayin ang local salt industry.
Ayon kay Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated (PCAFI) President Danilo Fausto, liliham siya sa Kongreso upang ipabatid ang issue na naka-aapekto sa local salt industry.
Una rito ay ang kabiguan ng Department of Budget and Management na maglaan ng kahit isang sentimo sa isinumiteng budget proposal sa Kongreso na para sa produksyon o development ng industriya ng asin.
Dapat din anyang magkaloob ang gobyerno ng kapital o puhunan sa local salt producers.
Aminado si Fausto na sa nagtigil-operasyon na ang salt producers sa Cavite, Bulacan, Ilocos Region at Dasol, Bolinao at Sto. Tomas sa Pangasinan dahil sa asin law.
Bukod dito ay hirap din anya ang local producers na kumuha ng permit para mag-manufacture ng asin.
Binigyang-diin din ni Fausto ang kabiguan ng Department of Trade and Industry na tumalima sa nasabing batas na nagbibigay-mandato sa DTI na tulungan at suportahan ang local salt manufacturers sa pag-upgrade ng kanilang production technologies.
Sa datos ng Department of Agriculture, nasa limampung libong pilipino ang umaasa sa industriya ng asin habang ang taunang salt requirement ng bansa ay aabot sa 600,000 metric tons.