Kinumpirma ni Court of Appeals Associate Justice Remedios Salazar Fernando na inudyukan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang tatlong mahistrado ng C.A. na maghain ng Petition for Temporary Restraining Order o TRO sa Korte Suprema.
Ito’y upang maharang ang pagpapa-subpoena noon ng Kamara kina C.A. Associate Justices Antonino valenzuela, Stephen Cruz at Erwin Sorongon na naglabas ng desisyon para palayain ang Ilocos 6 na nakapiit sa Kamara matapos tumangging magsalita hinggil sa iregular na paggamit umano ng Ilocos Norte Government ng tobacco funds.
Sa pagharap sa impeachment hearing, sinabi ni Salazar-Fernando na inihayag sa kanila ni CA Presiding Justice Andres Reyes Junior noong June 21 ang impormasyon na pinaghahain ng petition for TRO ni Sereno ang tatlong mahistrado para hindi ipatawag ang mga ito sa Kamara sa ginawang desisyon na palayain ang Ilocos 6.
Inihayag pa anya ni Sereno na siya na ang bahala kapag naihain na ang petisyon para sa T.R.O. sa Korte Suprema.
Hunyo 22 naman nang makasama nila si Sereno sa isang misa at tanghalian pero hindi na pinasama ng punong mahistrado ang tatlong justices na pinapaharap noon ng Kamara dahil baka mapag-inhibit pa siya kung may maihaing petition sa SC.
Gayunman, nilinaw ni Fernando na sa pulong nila noong June 21 na napag-desisyunan din nila sa C.A. na tanggapin ang ipalalabas na subpoena noon ng Kamara.