Tinawag na iresponsable ni Senador Grace Poe ang pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan na konektado sa destabilization plot laban sa Duterte administration ang pagpatay kay Jee Ick Joo.
Ayon kay Poe, malinaw naman sa kinalabasan ng imbestigasyon ng Senado na lumalabas na matagal nang problema sa Philippine National Police (PNP) ang katiwalian, kahit pa sa mga nakalipas na administrasyon.
Lumabas anya sa imbestigasyon na matagal nang nagpapaman si SPO3 Ricky Isabel, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Joo at hindi lamang ngayong panahon ng Duterte administration.
Sa halip anya na magpakalat ng kontrobersya, dapat ay tutukan na lamang ng Department of Justice at Department of Interior and Local Government ang paghahanap ng solusyon sa katiwalian sa PNP.
Una nang sinabi nina Justice Secretary Vitaliano Aguirre at DILG Secretary Mike Sueno na ang pagpatay kay Joo na kinasasangkutan ng mga pulis ay bahagi ng malaking plano para sirain ang Pangulong Rodrigo Duterte.
By Len Aguirre