Isinusulong ng isang abogado ang pag-explore sa kaso ni Joselito Zapanta, ang Overseas Filipino Worker (OFW) na binitay sa Saudi Arabia.
Ayon kay Atty. Harry Roque na isa ring propesor mula sa University of the Philippines, handa siyang tulungan ang naulilang pamilya ni Zapanta upang ungkatin ang naging hakbang ng gobyerno.
Ani Roque, kailangang malaman ng pamilya Zapanta kung ibinigay ba ng gobyerno ang lahat, kabilang na ang diplomatic at legal assistance para sa nasabing OFW.
Sinabi ito ng abogado na kilalang kapartido ng United Nationalist Alliance nang bumisita sila kamakailan lamang sa pamilya Zapanta sa Bacolor Pampanga.
Wala pa namang tugon sa proposal ni Roque ang ina ni Joselito na si Aling Mona at nakipagpalitan lamang ito ng contact numbers sa abogado para sa future consultations.
Una nang iginiit ng pamahalaan na ginawa nito ang lahat upang mailigtas sa bitay si Zapanta.
By Jelbert Perdez | Allan Francisco