Target ni bagong talagang Transportation Secretary Vince Dizon na i-update ang masterplan para sa transport infrastracture development ng bansa at palawigin ang partnership ng pamahalaan sa mga pribadong sektor.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pabilisin ang pagpapatupad at pagtapos sa mga transportation project.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Secretary Dizon na mahalaga ang papel ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan ng mga proyekto, lalo na’t may mga isyu tulad ng right of way.
Plano aniyang balikan ang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency hinggil sa masterplan ng mga imprastruktura sa transportasyon upang mas maging epektibo ang mga hakbangin ng pamahalaan.
Bukas din ang bagong Kalihim sa public transport privatization at sumakay sa mga pampublikong sasakyan tulad ng busway at mrt para personal na maranasan ang sitwasyon ng mga commuter.
Sa ganitong paraan, mas magiging malinaw sa kanya ang mga dapat gawin para matugunan ang problema sa transportasyon.
Inaasahang maglalabas ang DOTR ng detalyadong plano sa mga darating na linggo upang matukoy ang mga prayoridad na proyekto sa land, air, at sea transportation.
Una rito, pormal na nanumpa si Dizon bilang bagong kalihim ng DOTR, kasunod ng pagbibitiw ni dating Transportation Secretary Jaime Bautista. – Sa panulat ni Laica Cuevas