Tiniyak ng ilang mambabatas na mauupong House speaker si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Ito’y alinsunod na rin sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, hindi magiging hadlang ang mga espekulasyon na may mga kongresistang hindi boboto kay Cayetano dahil tiyak pa rin aniya na ang mambabatas ang makakasungkit ng speakership.
Ani pa ni Velasco, wala siyang anomang pangamba kahit pa si Cayetano ang kaniyang maging ka-term-sharing.
Tiniyak din ni PDP-Laban Vice President at Pampanga Rep. Aurelio Gonzales na kay Cayetano mapupunta ang kaniyang boto maging ng 85 pang mga kongresista ng partido.
Kasabay nito, nagpahayag din ng pagsuporta si Senate Pres. Vicente Sotto III kasama ang National People’s Coalition o NPC.
NPC suportado ang House speakership bid ni Alan Peter Cayetano
Suportado ng NPC o Nationalist People’s Coalition ang House speakership bid ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Ito ang inihayag ni Senate Pres. Vicente Sotto III kung saan tiniyak nito na 41 kongresista mula sa NPC ang sumang-ayon na iboto si Cayetano bilang susunod na House speaker.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, executive vice president ng PDP-Laban na susuportahan ng kanilang partido si Cayetano.
Aniya, inirerespeto ng kanilang hanay ang ginawang pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Cayetano.
Nakatakdang isagawa ang botohan sa magiging susunod na speaker bago ang SONA o State of the Nation Address ng pangulo ngayong araw, Hulyo 22.
Contributor: Ashley Jose