Tinawag na ‘fake news’ ni House Committee on Justice Chairman at Mindoro Representative Reynaldo Umali ang mga ulat hinggil sa umano’y posibleng pag-upo niya bilang kalihim ng Department of Justice o DOJ.
Ayon kay Umali, hindi aniya sumagi sa kanyang isip ang pagiging kalihim ng DOJ bagama’t hindi naman niya sinabi kung tatanggapin o hindi ang naturang posisyon sakaling i-lok sa kaniya ito.
Magugunitang pinalutang ng isang Bencyrus Ellorin sa kanyang social media page na Pinoy Aksyon for Governance and Environment ang posibleng pagtatalaga kay Umali sa naturang posisyon.
Sinasabing papalitan ni Umali si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na maugong na tatakbo sa pagka-Senador sa 2019 Midterm Elections.
Maliban dito, sinabi rin ni Ellorin sa kanyang post na isang uri ng gantimpala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang posisyon kay Umali dahil sa pangunguna nito sa impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.