Nilinaw ni Communist Party of the Philippines o CPP Founding Chairman Jose Maria Sison na wala pa silang desisyong tuldukan na ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno.
Kasunod na ito ng mga balitang lumutang na kinansela na ni Sison ang peace negotiations.
Ayon kay Sison, tanging ang National Democratic Front of the Philippines o NDFP lamang na siyang political arm ng CPP kung saan siya ang chief consultant ang maaaring magsuspinde, magkansela o tuldukan ang peace talks.
Sa ngayon aniya ay wala pang desisyon ang NDFP para tapusin na ang pakikipag-usap sa gobyerno.
Una nang inihayag ni Sison na mas mabuting pagtuunan na lamang nila ng pansin ang pagpapatalsik sa Pangulong Rodrigo Duterte at maghanda sa peace talks sa susunod na administrasyon.
—-