Itinanggi ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na kanyang iniutos ang pagpatay sa lahat ng mga drug suspect.
Ito ang iginiit ni Dela Rosa nang tanungin ni Associate Justice Marvic Leonen sa kanyang pagdalo bilang resource speaker sa ikalawang araw ng oral argument ng Korte Suprema sa legalidad ng war on drugs.
Ayon kay Dela Rosa, ang salitang neutralize na ginamit sa memorandum ng PNP hinggil sa Oplan Double Barrel ay maraming kahulugan.
Aniya, maaaring magpakahulugan ito sa pag-aresto, pagpapasuko o ang sukdulan ay pagpatay sa mga drug suspect kapag kinakailangan na ng sitwasyon sa ilalim ng isang lehitimong police operation.
Matatandaang inihayag ng isa sa petitioner na Atty. Jose Manuel Diokno ng Free Legal Assistance Group o FLAG na ang salitang neutralize sa memorandum ng PNP ay kahalintulad ng patayin.
Samantala, itinakda naman ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang ikatlong araw ng oral argument sa Disyembre 5, alas-2:00 ng hapon kung saan iniutos nito ang muling pagdalo ng mga kaparehong resource persons.
—-