Ipinagbabawal na ang pakikipag-usap ng mga pasahero habang nasa loob ng tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).
Ito ang inanunsyo ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pribadong operator ng LRT-1, bilang bahagi ng kanilang ipinatutupad na hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay LRMC Corporate Communications Head Jacqueline Gorospe, napuna nilang ilang mga pasahero ang nagtatanggal ng face masks kung may kakausapin lalu na sa telepono habang nakasakay sa tren.
Iginiit ni Gorospe, droplets ang pangunahing sanhi ng pagkalat ng COVID-19 kaya dapat hindi tinatanggal ang face mask lalu na kung makikipag-usap.
Dagdag nito, may mga ipakakalat silang mga marshalls at LRT personnels na mag-iikot sa mga tren para sumita sa mga hindi susunod sa ipinatutupad nilang protocol.