Pansamantalang nakakulong ngayon sa Taiwan si Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog matapos itong maaaresto doon noong isang araw.
Sa pagdinig kagabi sa nasabing bansa, hiniling ng Pingtung District Prosecutor’s Office na isailalim sa kustodiya nila ang konsehal na ipinagharap nila ng kasong “illegal entry” at “falsification of documents.
Ayon kay Gerry De Belen, Head Executive Assistant and Information Officer ng Manila Economic and Cultural Office o MECO, posibleng tumagal pa doon ng ilang araw o linggo si Parojinog bago makauwi dito sa Pilipinas para kaharapin ang mga kaso niya na may kinalaman sa iligal na droga.
“Hindi pa natin malalaman ‘yan it will only depend sa magiging desisyon ng piskal, ‘yung pinaka-piskal nila sa Taiwan, ‘yung prosecutor hinggil sa mga kasong kinakaharap niya, pero ‘yun nga sa pagpapatuloy nung hearing, hopefully today, may instruction ang aming chairman sa aming team doon sa Pingtung na alamin kung ano ang posibilidad na madala na siya sa Pilipinas, kung maaari ‘yun ay sasabihan na natin ang ating Philippine National Police na puwede na silang pumunta sa Taiwan upang sunduin si Mr. Parojinog.” Ani De Belen
Sinabi pa ni De Belen, na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga piskal na may hawak sa kaso ni Parojinog para agad na itong makabalik sa bansa.
“Kagabi ina-attempt ng ating team na makuhanan man lang siya ng larawan, maka-usap, makumusta pero hindi ‘yun pinapayagan ng prosecutor, nilalagay siya sa isang custody room kung halimbawa naka-recess ‘yung hearing, ‘yung prosecutor. Nagawa lang siyang makuhanan ng larawan siguro mga bandang 8:30 na ng gabi, kinausap ko ‘yung team kahapon kung maaari sana nating malaman kung puwede tayong mag-file ng request for the expedition o ‘yung pagpapabilis ng kanyang deportation, pero sa ngayon wala pa tayong natatanggap na katugunan doon sa Pingtung.” Pahayag ni De Belen
TINGNAN: Ardot Parojinog sa Pingtung County Prosecutor’s Office bago sumailalim sa preliminary investigation.
Magsasampa ng kaso ang gobyerno ng Taiwan laban kay Ardot dahil sa pamemeke nito ng mga dokumento at sa iligal na pagpasok sa Taiwan @dwiz882 pic.twitter.com/alx3AodeNe
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) May 24, 2018
TINGNAN: Naarestong pugante na si Ozamiz councilor Ricardo “Ardot” Parojinog habang nakaposas sa tanggapan ng piskal sa Taiwan @dwiz882 pic.twitter.com/LZ4CRK7NXl
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) May 24, 2018
Parusa kay Ardot Parojinog, dadaan sa due process —Palasyo
Tiniyak ng Malacañang na dadaan sa tamang proseso ang paglilitis sa mga kasong kinahaharap ni Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog.
Kasunod ito ng pagkakahuli sa puganteng konsehal sa Pingtung County sa Taiwan noong Miyerkoles.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sisiguruhin nila na mananagot si Parojinog at papatawan ng kaukulang parusa sa oras na makabalik ito sa bansa at mapatunayang ito’y nagkasala.
Matatandaang nagtago ang konsehal matapos ma-raid ng pulisya ang kanilang bahay sa Ozamiz City noong Hulyo ng nakaraang taon kung saan napatay din ang kapatid niya na si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na nauugnay sa operasyon ng iligal na droga.
(Ratsada Balita Interview) / Photo Courtesy: Jonathan Andal