Ikinatuwa ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure bill o panukalang batas na naglalayong ganap na tapusin ang kontraktuwalisyasyon sa bansa.
Ayon kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis, ngayong tuluyan nang ibinasura ni Pangulong Duterte ang nasabing panukala, kanilang titiyaking tuluyan nang mawawala ang endo sa buong bansa.
Iginiit ni Ortiz-Luis, sapat na ang mga kasalukuyang batas laban sa mga illegal labor practices at kinakailangan lamang ng mas mahigpit na pagpapatupad nito.
Una nang sinabi ng ECOP na posibleng magresulta sa pagkalugi sa negosyo at pagkawala ng trabaho sakaling naipasa bilang ganap na batas ang Security of Tenure bill.