Inalis na ng PAGASA [Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration] ang lahat ng storm signals habang napapanatili ng Tropical Depression Dodong ang lakas nito at tinutumbok ang West Philippine Sea.
Ayon sa Weather Bureau, makakaranas pa rin ng mga pag-ulan ang Ilocos Region, MIMAROPA (Region 4B), Zambales at Bataan.
Mararanasan din ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Tarlac, Pampanga, Bulacan, at Western Visayas.
Maging ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region at nalalabing bahagi ng Central Luzon at Calabarzon ay makakaranas din ng pabugso-bugsong pag-ulan at thunderstorms.
Samantala, huling namataan si “Dodong” sa layong 305 kilometro kanluran ng Sinait, Ilocos Sur na may lakas ng hanging aabot sa 65 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.
Kumikilos ito pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na sampung kilometro bawat oras.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyo ngayong hapon.