Inilunsad ng PAGASA ang isang warning system na magbibigay ng babala sa publiko kaugnay ng paparating na storm surge o daluyong tuwing may bagyo.
Ayon kay PAGASA Administrator Vicente Manalo, sa tulong ng bagong warning system, maiiwasan na ang mas maraming casualties sakaling makaranas ng storm surge ang partikular na lugar sa bansa.
Paliwanag ni Manalo, dalawang klasipikasyon ng storm surge ang tinukoy sa ilalim ng nasabing warning system.
Ito aniya ang storm surge watch o para sa moderate to high risk na daluyong na magaganap sa loob ng 48 oras at ang storm surge warning o ang high risk storm surge na mangyayari naman sa susunod na 24 oras.
Sinabi naman ni Maria Cecilia Monteverde, pinuno ng HTMIRDS– PAGASA o Hydrometeorolgy, Tropical Meteorology and Instrument, Research and Development Section, makikita sa warning system ang mapa ng storm surge-prone areas at ang track line ng posibleng daluyong dala ng bagyo.
Nakadepende aniya ang kulay ng track sa taas ng tubig ng daluyong kung saan ang asul ay nangangahulugang mababa sa isang metro ang storm surge, dilaw kung isa hanggang dalawang metro, orange kapag dalawa hanggang tatlong metro at pula kung hihigit sa tatlong metro ang storm surge.