Minaliit ng Malakanyang ang pagbaba ng rangko ng Pilipinas sa democracy index 2020 ng london based Think-Tank na economist intellegence unit.
Ito’y makaraang sumampa lamang sa ika-55 ang ranking ng Pilipinas mula sa 167 bansa sa global index 2020.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi aniya maituturing na major slip ang pagdausdos ng rangking ng Pilipinas dahil nananatili pa ring buhay ang demokrasya sa bansa.
Paliwanag ni Roque, bagama’t maituturing na mas buhay ang demokrasya ng mga bansang Taiwan, Malaysia at Timor Leste, nakalalamang pa rin aniya ang Pilipinas sa mga bansang Indonesia, Thailand, Singapore, Myanmar, Vietnam at Laos.
Sa panig naman ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, iginiit nito na sa kabila ng pagbaba ng rangko ng Pilipinas ay iginagalang pa rin ng pamahalaan ang boses ng masa. —ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)