Hindi na ikinagulat ni Liberal Party o LP President Senador Kiko Pangilinan ang pagbagsak ng satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos lumabas sa resulta ng pinakabagong survey ng SWS o Social Weather Stations na mula sa very good ay bumaba sa good ang net satisfaction rating ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Pangilinan, inaasahan nang makaaapekto sa rating ng Pangulo ang mga corruption scandal tulad ng pagkakalusot ng malaking halaga ng drug shipment, mga kaso ng extrajudicial killings at pagpatay sa mga menor de edad.
Samantala, sinabi naman ni Senador Antonio Trillanes na nagsisimula nang magising ang publiko sa mga kasinungalingan, katiwalian at panggigipit ng Pangulo maging ang madugong kampanya ng pamahalaan kontra droga.
Inaasahan din ni Trillanes na mas bababa pa ang rating ni Pangulong Duterte sa mga susunod na survey dahil sa pagkumpirma ng Ombudsman sa hawak nilang dokumento ng mga umano’y bank records nito.
Hindi na rin ikinagulat ng BMP o Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang pagbaba ng satisfaction ratings ng Punong Ehekutibo.
Ayon kay BMP President Leony de Guzman, dahil na rin ito sa patuloy na pagdami ng napapatay sa drug war ng Pangulo kung saan damay na rin pati ang mga kabataan.
Pinuna rin ni De Guzman ang mga pangakong napako ng Pangulo tulad ng pagpapatigil sa kontraktualisasyon.
Samantala, tiwala naman si Senador Panfilo Lacson na kaya pa ni Pangulong Rodrigo Duterte na makabawi at makakuha ng mataas na rating, tulad ng mga unang araw ng kanyang panunungkulan.
Ayon kay Lacson, naniniwala siyang si Pangulong Duterte ay hindi yung tinatawag na “more of the same type president”.
Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, bahagi lamang ito ng political cycle kung saan karaniwang nakararanas ng pagbaba sa trust at approval rating ang mga pinuno ng bansa pagkatapos ng kanilang unang taon sa tungkulin.
Dagdag ni Gatchalian, malinaw pa rin sa resulta ng survey na nananatili pa rin ang tiwala ng publiko kay Pangulong Duterte.
Giit pa ni Gatchalian, dapat ituring ng Malacañang ang resulta ng survey bilang hamon para higit pang pagbutihin ang pagseserbisyo at bigyang atensyon ang isyu ng kurapsyon, kahirapan at police impunity sa bansa.
Palace
Positibong tinanggap ng Malacañang ang pagbaba ng satisfaction rating ng Pangulong Rodrigo Duterte sa survey ng SWS.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, puwede nila itong gamiting barometro kung paano mapapaganda pa ang mga programa ng pamahalaan.
Sinabi ni Andanar na tinitignan nila ang SWS survey bilang constructive criticism na puwedeng gawing gabay upang lalong magsikap ang lahat ng mangagawa lalo na ang mga opisyal ng pamahalaan.
(Len Aguirre / Ulat ni Cely Bueno)