Political will at matibay na liderato ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinatunayan nito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) sa first quarter ng taong ito.
Binigyang diin ni Panelo na ang mga nasabing data sa survey ay ebidensya na epektibo ang mga hakbangin ng gobyerno upang mapababa ang presyo ng mga pagkain at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino.
Kinikilala naman aniya nilang marami pa ring Pilipino ang naghihirap kaya hindi tumitigil ang Pangulong Duterte sa pag aangat ng kalidad ng kanilang mga buhay.
Tinukoy ni Panelo ang pro poor programs ng gobyerno tulad ng libreng matrikula sa state college and universities (SCUs), libreng irigasyon para sa mga magsasaka, universal health care para sa mga Pilipino, libreng gamot para sa mga mahihirap at feeding programs.
Ayon pa kay Panelo, tinaasan din ang suweldo ng mga pulis, bumbero, sundalo, mga guro at dinagdagan din ang pensyon ng mga senior citizen at war veterans.
Sinabi ni Panelo na marami nang nagawa ang pangulo subalit marami pang aasahan ang mga Pilipino sa kaniya sa nalalabing tatlong taon ng kaniyang administrasyon.