Ramdam na ang pagbaba sa P70 ng kada kilo ng presyo ng asukal o retail price nito sa Metro Manila.
Ito’y makaraang tumalima ang mga supermarket at grocery chain owner sa hirit ni Pangulong Bongbong Marcos na ibaba ang presyo ng asukal sa P70 mula sa P90 hanggang P110 kada kilo.
Pinapurihan naman ni PBBM ang walang pag-iimbot na pasya ng mga negosyante na batid na kailangan bawasan ang kanilang dapat sana’y magiging tubo para sa kapakanan ng mga consumer.
Ayon sa Punong Ehekutibo, ang desisyon na ito ng mga traders ay patunay na nananaig pa rin ang diwang Pilipino ng ‘Bayanihan’ at pagmamahal sa bayan.
Alinsunod sa kautusan ng Pangulo, nakipag-usap si Executive secretary Victor Rodriguez sa malalaking supermarket owner, gaya ng SM Supermarket, Robinsons Supermarket at Puregold Supermarket.
Bukod dito, nakipagpulong din si PBBM sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Food Manufacturers Incorporated upang pag-usapan ang problema sa kakulangan ng supply ng asukal sa bansa.