Ibinabala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang pagbaba ng produksyon ng mga isda sa palaisdaan.
Ito’y dulot ng mataas na salinity o pag-alat ng mga palaisdaan bunsod ng mababang suplay ng tubig dahil sa El Niño.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni BFAR Director Asis Perez, malaki ang epekto ng mataas na temperatura sa pangingitlog ng mga isda.
Ayon kay Perez, 20 porsyento ng tilapia ang posibleng mawala, at gayundin ang tuna ngunit hindi naman masyadong maaapektuhan ang suplay ng galunggong at hasa-hasa.
Nilinaw naman ng BFAR na kung sakaling bumagsak ang produksiyon ng mga isda ay mayroon namang pwedeng alternatibo tulad na lamang ng sardinas.
“Nakadepende po yung iba nating produksyon sa tinatawag na availability of water syempre pag wala pong ulan at tumindi ang hindi po pag-ulan ay maaapektuhan ang suplay ng tubig.” Pahayag ni Perez.
Tiniyak naman ng BFAR na may ginagawa silang paraan para tulungan ang mga mangingisdang maaapektuhan ng El Niño phenomenon.
Ani Perez, nakahanda silang magbigay ng mga alternatibong pagkakakitaan ng mga apektadong mangingisda.
Gayundin ang pagbabantay sa pinsalang hatid ng El Niño sa sektor ng pangisdaan upang makagawa pa sila ng iba pang hakbang.
Tumutulong din ang BFAR sa mga commercial fisheries sector tulad ng pagpapakalat ng suporta, istruktura at teknolohiya para mapakinabangan ang banham rise.
Magugunitang inihayag ng PAGASA na tatagal ang matinding epekto ng El Niño o matinding tag-tuyot sa bansa hanggang sa unang bahagi ng taong ito.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Jaymark Dagala | Monchet Laranio