Hindi na ikinagulat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP malaking ibinaba ng net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Father Jerome Secillano, hangga’t hindi inaayos at binabago ni Pangulong Duterte ang istilo ng kanyang pamumuno ay posibleng magpatuloy ang pagbaba ng rating nito.
Binigyang-diin pa ni Secillano ang mga usapin ng korapsyon, mga pagpatay na may kinalaman sa droga, EJK’s o extra-judicial killings, police impunity, at iba pa bilang mga naka-apekto sa rating ni Pangulong Duterte.
Tinukoy din ni Secillano ang mga inconsistencies o pa-iba-ibang mga pahayag ng Pangulo tulad ng binanggit nitong VBank accounts ni Senador Antonio Trillanes na dahilan kaya hindi na nakagugulat ang pagbaba ng nakuha nitong suporta.
Magugunitang bumababa sa good mula sa very good ang satisfaction rating ni Pangulong Duterte batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather System o SWS.