Hinimok ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-issue ng executive order na magpapababa sa taripa sa mga inaangkat na isda at karne upang mapabagal ang inflation rate.
Ayon sa ekonomistang si Albay 2nd District Representative Joey Salceda, nais din ni Arroyo na ibaba ang taripa sa rice, poultry, corn, wheat flour at vegetable importation.
Dahil saklaw anya ang bigas ng quantitative restrictions, kailangang mag-import ang National Food Authority ng karagdagang 500,000 hanggang 800,000 metrikong tonelada.
Naniniwala ang kongresista na mapapabagal ang inflation rate sa 4.4 percent hanggang katapusan ng taon kung ipatutupad ang naturang hakbang.
Ipinunto ni Salceda na maaaring amyendahan ni Pangulong Duterte ang executive order sa susunod na recess o sa pamamagitan ng congressional legislation.
Si Salceda ang special focal person for counter-inflation at nagsilbing economic adviser noong pangulo pa si Ginang Arroyo.
Samantala, iprinostesta ng mga consumer at farmers group ang Agricultural Tariffication Bill o House Bill 7735 ni House Speaker Gloria Arroyo upang maibsan ang epekto ng inflation o paggalaw ng presyo ng mga bilihin.
Una ng inihayag ng mga economic manager ng gobyerno na tataas ang local supply ng bigas at bababa ang presyo nito kung aalisin ang quantitative restrictions sa rice imports.
Gayunman, iginiit ni Anakpawis Party-list Representative Ariel Casilao na walang katiyakan na matutupad ito lalo’t mayroong rice cartel na nagmamanipula sa presyo ng bigas.
Naniniwala naman si Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo na posibleng lumala ang kartel at hoarding o smuggling kung aalisin ang import quotas.
Posible rin anyang humina ang local rice industry dahil babaha ng mas murang imported rice sa mga pamilihan.
—-