Hindi gaanong natuwa ang pamilya ni Jennifer Laude sa desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 na ibaba sa 10 taon mula sa 12 taon ang sentensya laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Sa kabila nito, sinabi sa DWIZ ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya Laude na pinaikli man ang jail sentence kay Pemberton, hindi na ito ubrang humingi ng parole.
“Pero meron naman pong pampalubag-loob dahil maski yan ay nabawasan ng 2 taon ay sigurado pa ring kulong siya dahil meron tayong tinatawag na parole, kapag ang conviction niya ay higit sa 6 taon at 1 araw ay hindi na siya pupuwedeng makalaya on parole, so ibig sabihin dahjil ito’y hanggang 10 taon wala nang parole itong si Pemberton, kulong na kulong pa rin po siya.” Ani Roque.
Kasabay nito, sinabi ni Roque na ikinalugod naman ng pamilya ang ginawang pagbasura ng korte sa hiling ni Pemberton na baligtarin ang hatol na guilty verdict sa kanya.
Pinagtibay aniya ng korte ang conviction kay Pemberton dahil napatunayang ito talaga ang pumatay kay Laude.
“Unang-una ibinasura ng Olongapo yung kanyang motion for reconsideration na humihingi na ipawalang-sala siya, sinabi ng korte walang merito ang ganitong hiling ni Pemberton dahil in-affirm po ng Korte Suprema ang kanyang conviction, malinaw ang sabi ng SC na si Pemberton at tanging si Pemberton lamang ang pupuwedeng pumatay kay Jennifer Laude, ang pamilya naman po bagamat hindi completely happy sa desisyon ay relieved din sila dahil na-affirm yung conviction at di siya napawalang-sala.” Pahayag ni Roque.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita