Binigyan-diin ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho Jr. na panahon na para i-overhaul o baguhin ang board ng PhilHealth
Ito’y bunsod ng kaliwa’t kanang isyu ng ahensya kaugnay sa paggamit ng pondo.
Una rito, nagtanong si Associate Justice Kho, kung paano kinakalkula ang hinihinging subsidiya ng PhilHealth at sinagot naman ito Health Assistant Secretary at Spokesman Albert Domingo na nakabatay ito sa bilang ng mga miyembro at premium rate at hindi sa computation ng sin tax collection.
Binigyan-diin ng Hukom, hindi sinusunod ng Philhealth kung ano ang nasa batas dahil hindi nito isinasaalang-alang ang mga buwis na kinokolekta para sa subsidy ng mga indirect contributors.
Dahil dito, iginiit ni Associate Justice Kho, na palitan ang board ng Philhealth dahil hindi nito sinusunod ang batas.
Nabatid na batay sa section 37 ng Universal Health Care Act, kabilang sa mga pagkukunan ng pondo ng Philhealth ang total incremental sin tax collections.—sa panulat ni Kat Gonzales