Asahan na ang pagsisimula ng pagbabago sa bansa sa mga darating na araw lalo na sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
Ito ang inihayag ng Malacañang matapos matukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga dapat na i-prayoridad ng kanyang administrasyon.
Bukod sa kampanya sa illegal na droga, prayoridad din ng Pangulo ang tiyaking may sapat na pagkain at hindi kumakalam ang sikmura ng mga pinaka-mahihirap na sektor.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, desidido ang administrasyon na i-ahon sa hirap at maka-pamuhay ng matiwasay ang mga pinaka-mahihirap na pilipino.
Aniya, nakarating sa Pangulo na ang lalawigan ng Cotabato ang may pinakamataas na insidente ng kagutuman kaya’t tiniyak na ibubuhos ang lahat ng tulong, pagkain at mai-ayos ang nutrisyon ng mga bata.
Sinabi ni Abella na gagawin sa buong bansa ang feeding program upang matiyak na lahat ng mga batang kumakalam ang tiyan ay hindi mapag-iwanan.
By: Jelbert Perdez