Ilang araw na lamang ay mararamdaman na natin ang “battle cry” ng Duterte Administration na CHANGE IS COMING!
Naku, ito pa naman ang nag-udyok sa higit-kumulang 16 na milyong botante para mailuklok sa pinakamataas na posisyon si Rodrigo Duterte.
Isa sa matunog na isyung hindi nabigyan ng solusyon ng kasalukuyang administrasyong Aquino ay ang problema sa nakaka-baliw na trapiko, partikular sa kahabaan ng EDSA.
Imbes na maibsan, ay mas lalo pang lumama dahil mula usad-pagong, ngayon halos wala ng galawan hanggang sa abutin ka nang siyam-siyam.
Ang tanong, anong pagbabago ba ang inaantay ng ating mga kababayan?
Sa pagkaka-alam ko, sa hilera ng mga napiling mga kalihim na may kinalaman sa transportasyon ay may liwanag tayong aasahan.
Tulad na lamang nitong paghirang kay dating Clark Development Corporation CEO at President Art Tugade, bilang Transportation Secretary, ay tiyak na masosolusyunan ang prolema sa trapiko.
Katunayan, bago pa man naimungkahi ng mga negostyante na kasapi ng Management Association of the Philippines (MAP), na ipagkaloob si Duterte ng “emergency powers”, ay narinig ko na ito sa mga malapit na kaibigan ni Secretary Tugade.
Inamin mismo ng kalihim, na hindi niya masosolusyunan ang problama sa trapik, kung walang emergency powers silang katuwang.
Halimbawa na lamang, plano raw nitong buwagin at ilipat ang mga nakahilerang mga bus terminal sa EDSA, na isa sa dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Buksan natin ang ating mga mata at pagmasdan kung saan madalas nangyayari ang pagsisikip ng daloy ng trapik, di ba sa mga terminal?
Bakit kanyo, eh walang pakundangan at kawalan ng disipilna sa pagbaba at pagsakay ng mga pasahero.
Resulta, domino effect ito hanggang sa kadulo-duluhan ng pila.
Puwes, para walang mapeperwisyong motorista, dapat ipatupad ang paglilipat ng mga terminal ng bus.
Tiyak na may nakahandang plano ang Department of Transportation na itayo sa madaling panahon ang common terminal mula sa hilaga at timog na parte ng EDSA.
Para hindi ito umani ng reklamo at pagsasampa ng kaso ng mga operator ng mga bus at terminal, emergency power ng gobyerno ang kailangan.
Batid nating may pagsasakripisyo lamang dito ang ating mga kababayan, pero mararamdaman ang kaginhawaan kapag naayos na ang daloy ng trapiko.
Bukod diyan, dapat ding isabay sa pagtatayo ng isang common bus terminal, ang pag-aayos ng ating mass transport, tulad ng MRT at LRT.
Harinawa’y may pagbabago tayong masisilayan sa darating na bagong administrayon!